Pinuna ni Senador Richard Gordon ang kakulangan ng bansa sa bilang ng trial court judge na aniya’y nakakaapekto sa mahinang justice system ng bansa.

Nitong Hunyo ng kasalukuyang taon, naitalang mayroon pang halos 178,582 pending case sa first at second level court kung saan nahigitan na ang 300-500 na bilang ng kasong ikinukunsi­derang manageable ng Korte Suprema.

Dahil mayroong 2,663 husgado sa first at second level courts sa bansa, lumalabas na ang bawat isang trial court judge ay para sa 37,927 Filipino.

Ayon kay Gordon, oras na para mag-invest ang bansa sa pagpapabuti ng justice system kaya hinihimok nito ang mga kapwa mambabatas na suportahan ang panukalang batas na maglilikha sa judges-at-large position.

Layon ng SBN 2065 na amyendahan ang Batas Pambansa Bilang 129 o The Judiciary Reorganization Act of 1980 kung saan lilikhain nito ang 150 judges-at-large position: 100 dito ay para sa regional trial court at 50 naman para sa municipal trial court.

Aniya, malaki ang maitutulong nito para maibsan ang case congestion sa maliliit na korte.

“We have been investing heavily in infrastructure—roads, bridges, airports, schools, and the like. It is high time we invest in our judges and in the justice system. It is high time for the go­vernment to add judges where statistics clearly prove they are needed. Courts are deeply embedded in every aspect of our country’s ­society, economy and governance,” anang senador.