Bilang para sa death penalty bill sapat para maipasa

Ipinagmalaki ni Ako Bicol Rep. Alfredo Gar­bin na mistulang nag-concede na ang anti-death penalty congressmen na matatalo ang mga ito sa botohan sa panukala.

Ayon kay Garbin haya­gan na ngayon ang pagsasabi ng mga mam­babatas na pro-death penalty ang mga ito matapos gawing optional ang pagpapatupad ng death penalty at hindi na mandatory.

Bilang patunay na kuha na ng mayorya ang numero para mailusot sa Kamara ang panukala ay ang naging kumpiyansang pahayag ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas na maaari nang pagbotohan ang death penalty bill.

Una na ring sinabi ni Fariñas na kung tutuusin ay hindi na kailangan ang debate pa sa isyu dahil buo na ang isipan ng mga mambabatas na ipasa ito sa Kamara.

Bago pa mag-recess ang Kamara sa Marso 15 unang target na maipasa ang death penalty bill subalit sa takbo ng pangyayari na marami na ang sumusuporta rito ay maaaring mapaaga na maipasa sa 3rd and final reading ang panukala.