Bili kapag nanalo

racing-feature andy sevilla

(LAST PART)

Paano nag-umpisa si Willie Afan Jr. sa karera?

“Doon pa sa San La­zaro sa Tayuman nagsi­mula ako sa kabayo hanggang maging 8. Nakikisali lang ako sa mga kaibigan ko,” sabi ni Willie.

Ang kanyang unang kabayo ay si Mr. Bonjing, ang 2 iba pa ay sina Wallop Forever (na naka-walong panalo rin sa kanya) at si D’Pen Traveller.

“Paglipat sa Carmona, dumami sa 12 ang na­ging kabayo ko. Kasama na rito si Arriverderci,” kuwento ni Willie.

Pero hindi nagtagal ay nag-lay-low si Willie sa pagiging hose owner ng ilang panahon. Muli siyang bumalik pero doon na sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite siya nagkuwadra ng 1 kabayo. “Pero hindi ako sinuwerte doon kaya nag-decide akong lumipat na sa MetroTurf. At doon na ako sinuwerte at nagpapanalo.”

Dinala niya ang 6 niyang natirang kabayo sa MetroTurf Racing Complex at kinuha niya si Entoy Mamucod bilang trainer. Maganda ang kinalabasan ng kanilang tandem, wala pang ilang taon ay biglang dumami ang kanilang kabayo at naging 35 kaagad. Baka bukas ay 36 na ito.

“Sa ngayon, nagko-concentrate na kami sa pagbili ng medyo de-kalidad na kabayo. ‘Di katulad ng dati na medyo mababa ang presyo. Isa pa, me pababa na kaming 8 pang mga novatos na pulos palahi na namin.”

Bukod sa kanyang mga negosyo at kumpanya, naka-focus si Willie sa kanyang mga duma­daming kabayo. “Bukod sa maganda naman ang negosyo natin dito sa pangangarera, malaking bagay din ito sa pagre-relax mula sa matinding stress mula sa ibang negosyo.”

Tuwing Sabado ay lagi siyang nasa farm para tignan ang kanyang breeding shed at mag-aliw na rin doon sa kanyang resort. Madalas na rin siyang dumaan sa MetroTurf Racing Complex dahil malapit lang ito doon kaya nakapagre-relax siya kapag may karera at nakaka-bonding pa ang kanyang mga kaibigan doon.