Noong isang araw, narinig natin ang ­kaibigan kong si ­Ginebra Coach Tim Cone na nagbitaw ng salita, at sinabi niya na ang pinakaimportanteng manlalaro at coach sa PBA ay si Robert Jaworski.

Napag-usapan kasi kung sino na ang pinakamagaling na manlalaro sa history ng PBA.

May mga nagsasabi na si June Mar ­Fajardo raw. Pero ang sabi ni Coach Tim, hindi daw dapat ikumpara ang mga manla­laro noon, tulad nina Ramon Fernandez at Alvin Patrimonio, sa mga kasalukuyang mga manla­larong gaya ni Fajardo, na pinarangalang Most Valuable Player ng 43rd PBA 2017-2018.

Panglimang MVP award na niya ito at pinakamarami na sa kasaysayan ng PBA.

Mula sa isang coach na nanalo ng 21 championships sa PBA, napaka-humble ni Coach Tim na isang basketball legend na rin sa PBA, na purihin si Coach Jawo sa laki ng kontribusyon niya sa PBA.

Naalala ko na bago pa man naging PBA coach si Cone, nakakalaro ko na siya, once a week, sa Makati, tuwing Lunes.

Napakagaling dumepensa ni Tim at hirap kami sa kanya. At ito’y dinala niya sa mga koponan na hinawakan niya sa PBA tulad ng Alaska, Purefoods at ngayon, Ginebra.

Naalala ko rin na sa isang ordinaryong laro namin at magkakampi kami sa team, natalo kami sa laro. Nu’ng pauwi na kami, nakita ko si Tim at tila malungkot. Sabi niya sa akin, kahit na ano’ng laro daw, sinabi niya, “I hate to lose.”

Kaya itong winning attitude ni Coach Tim sa laro ay nagbigay ng napakaraming kampeonato sa kanya sa PBA.

Para maging isang magaling na coach sa PBA or ano pa mang koponan, dapat meron siyang 3 katangian.

Una ay integridad, dapat walang dungis o anomalya ang nakadikit sa pangalan niya.

Pangalawa, dapat marunong siya mag-motivate ng mga player, kumbaga, marunong siyang humimas ng ­manok para lumabas ang galing ng player.

At pangatlo, ‘yung tinatawag na technical competence, dapat meron siya nito.

Alam niya ang nangyayari sa laro at gagawan niya ng paraan kung anong ginagawa ng kalaban sa kanyang koponan.
Alam niya mag-react sa bawat sitwasyon.

Ang nakikita ko kay Coach Tim, meron siyang lahat nito, kaya nga lahat ng mga koponan na hinawakan niya, laging nagiging kampeon.

Sa labas ng court naman, wala kang masasabi kay Coach Tim. Napakabait na tao at ito’y napansin ko nang magkasama kami sa ilang overseas game at tournament na ginanap sa Australia at Guam.