“Ngayong matigas na idineklara ng Pangulo sa kanyang SONA na prayoridad ng pamahalaan ang pagpapaganda sa serbisyo ng mga telcom, dapat namang kumilos na ang mga pa­ngunahing ahensiya at bilisan ang paggawa ng mga alituntunin para sa pagpasok ng pangatlong telco player.”

Ito ang idiniin ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III, na chair ng Trade, Commerce, and Entrepreneurship Committee sa Senado, matapos banggitin sa State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 23 ng Pangulong Rodrigo Duterte na nananatiling matibay ang pagnanais ng administrasyon nito upang matiyak na “reliable, inexpensive, and secure” ang telecommunication services sa bansa.

Nito lamang nakaraang Hunyo, binatikos ni Pimentel ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at ang multi-agency Oversight Committee for the Entry of a New Major Player in the Public Telecommunications Market dahil sa makupad nilang pagkilos sa napakatagal nang hinihintay na alituntu­nin para sa pagtatalaga ng radio frequencies.

Kinakailangan ang nasabing mga frequency para sa pagpasok ng bagong telecommunication company sa domestic telco market.

Iginiit din ni Pimentel na wala pang kongkreto at positibong mga hakbang ng mga nabanggit na ahensiya ng gobyerno simula nang ginawa niya ang pagbatikos noong nakaraang buwan.