Billboard sa Puregold-Lucio Co, nabaklas

Nagsilbing panganib sa publiko ang napunit at nabaklas na billboard sa Dragon mall na nakakabit sa Puregold na pag-aari ni Lucio Co, kahapon nang tanghali sa may Divisoria.

Nabatid na bandang alas-12:00 ng tanghali nang magkapunit-punit ang billboard na nakasampay sa may Puregold ng nasabing mall makaraang daanan ito ng ma­lakas na ulan at hangin.

Bukod sa pagkakawasak ng malaking billboard ay natanggal din ang bar angle nito na delikadong bumagsak sa mga nagdaraan.

Dahil sa insidente ay pag-aaralan na rin ngayon ng lokal na pamahalaan ng Maynila kung dapat na ring magsagawa ng pagsisiyasat sa mga nakakabit na billboard sa Maynila.

Ayon kay Manila Secretary to the Mayor Bernie Ang, ito ay upang matiyak kung nasa maayos pang kalagayan ang mga nakakabit na mga karatula sa iba’t ibang panig ng Lungsod. (Juliet de Loza-Cudia)