Maihahalintulad sa larong basketball ang diplomatic row sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait.
Nasabi natin ito dahil noong una, lamang ang ating bansa sa labang ito. Kumbaga, tambak ang Kuwait kung tutuusin.
Noong natuklasan ang bangkay ni Joanna Demafelis sa loob ng freezer ng abandonadong apartment sa Kuwait, bugbog-sarado ang nasabing bansa kahit pa sabihing hindi naman kababayan nila ang pumatay sa Pinay domestic helper kundi ang dating among si Nader Essam Assaf, isang Lebanese at asawang Syrian.
Dahil sa sinapit ni Demafelis at iba pang minaltratong mga overseas Filipino worker (OFW), ipinairal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ban sa deployment ng mga OFW sa Kuwait. Laking sakit ng ulo ng Kuwait dahil napasama ang imahen nila sa international community.
Ginawa ng Kuwait ang lahat ng paraan para makabawi sa laban. Nariyan ang paspasang pagbaba ng hatol ng korte para maparusahan ng death penalty ang dating amo ni Demafelis. Sa unang tingin, matutuwa ka sa ginawa ng Kuwait, pero kung sisipating mabuti, paano maipatutupad ang hatol ng korte kung ayaw namang i-turn-over ng Lebanon at Syrian government ang mga nagkasala sa batas?
Halos lumuhod pa nga ang Kuwait nang ikasa nila ang Memorandum of Understanding (MOU) sa Pilipinas. Ibinigay sa mga OFW ang lahat tulad na lamang ng work hours at hindi puwedeng gisingin si Inday kung natutulog na ito sa kuwarto at tapos na ang oras ng trabaho.
Pirma na lang ang kailangan para maisakatuparan ito pero sa isang error ng Team Philippines, humabol sa laban ang Kuwait at mukhang sila ang nakaungos ngayon sa laban kahit na noong una ay tambak sila.
Parang nanood ka nga ng laban ng Sacramento Kings at Los Angeles Lakers dahil kahit dapa na ang tropa dati ni Kobe Bryant na may 1-3 deficit sa series, aba’y humabol pa at nagwagi sa Conference Finals noong 2002. Siyempre, naging kakampi ng Lakers dito ang referee na umamin sa game fixing makalipas ang isang dekada.
Isang maliit na error lang ang ginawa sa 4th quarter, nagbago ang ihip ng hangin. Tinutukoy natin ang ginawang pag-upload ng video sa isinagawang rescue mission ng Philippine Embassy sa mga distressed OFW.
Isang maliit na error lang, pero ang naging katumbas, thrown out si Ambassador Renato Villa sa Kuwait. Natabunan din ang nangyari kay Demafelis at ang parang lumalabas ngayon, ang Kuwait ang inaapi ng Pilipinas.
Tapos na sana ang laban ng Pilipinas at Kuwait at panalo sana ang ating bansa.
Ine-enjoy na sana ng mga opisyales ng administrasyon ang playoff sa NBA, pero hindi ito nangyari dahil nagpabaya sila. Kaya nga laging sinasabi ng maraming coach na bilog ang bola. It ain’t over ‘til the fat lady sings.