Isa sa pinakamalaking balita ngayong buwan ng Disyembre ang paghatol sa magkapatid na Ampatuan ng habambuhay na pagkabilanggo ng walang parole matapos mapatunayang guilty sa karumal-dumal na krimen na Maguindanao massacre.
Sampung taon ang itinakbo ng paglilitis pero hindi nabigo ang pamilya ng mga biktima sa inaasam na hustisya dahil kahit inabot ng isang dekada ay nagkaroon ng katarungan ang pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.
Ang Maguindanao massacre ang isa sa madilim na bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas dahil sa pagpatay sa 58 katao, kabilang dito ang 32 miyembro ng media at nalagay ang bansa sa listahan ng mga bansang pinaka-mapanganib para sa mga mamamahayag.
Kung iisipin ang dahilan ng kamatayan ng 58 na mga biktima, ito ay dahil sa sobrang paghahangad ng kapangyarihan.
Maimpluwensiya ang mga Ampatuan sa Maguindanao dahil kilalang angkan ng mga politiko, at isa sa mahigpit na kalaban sa politika ay ang mga Mangudadatu.
Kapwa naglalaban ang kapangyarihan ng mga Ampatuan at Mangudadatu sa Mindanao at malas lamang na masawi sa massacre ang asawa at ilang kaanak ni Congressman Toto Mangudadatu.
Sa mga unang buwan ng paglilitis ay sinasabing ginamit umano ng mga Ampatuan ang kanilang impluwensiya at pera para idiskaril ang proseso ng pag-usad ng kaso at para manahimik ang mga tetestigo laban sa kanila.
Pero desidido ang pamilya ng mga biktima na maparusahan ang mga pumatay sa kanilang mahal sa buhay kaya kahit hirap sa buhay ay hindi sila bumitaw sa kanilang laban.
At hindi nga nabigo ang pamilya ng mga biktima dahil nanaig ang hustisya at tuluyang hindi na makalabas ng kulungan ang magkakapatid na Andal at Zaldy Ampatuan.
Ang dating makapangyarihan at maimpluwensiyang pamilya ng politiko sa Mindanao ay maituturing na bagsak na dahil sa nagawang malaking kasalanan sa batas.
Kung dati ay nakakasalamuha ng mga Ampatuan ang mga matataas na opisyal ng gobyerno at mga kapwa politiko dahil sa malakas na hatak ng boto ang mga ito, marahil ay hindi na mangyayari ulit dahil sa bubunuing matagal-tagal na panahon sa kulungan.
Nasa itaas noon ang mga ito subalit dahil sa malaking pagkakamali ay binalikan sila ng panahon at pagkakataon.
Totoo nga ang kasabihang bilog ang mundo, nasa itaas noon, nasa ibaba ngayon.