Bilyonaryo hinahabol ng NBI sa P1B VAT

Inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) na kasuhan ng 50 counts ng falsification of official document at public document ang bilyonaryong may-ari ng Ferrotech Group na si Benito T. Keh at asawa nitong si Ching Kwei Keh kaugnay ng umano’y pamemeke at pagkabigong mag-remit ng value added tax (VAT) na aabot sa P1 bilyon mula 1997 hanggang 2003.

“It is clear that the subjects (Keh couple) had conspired with each other not just to evade paying taxes to the government, but also misappropritated for themselves the VAT (value added tax) imposed on the sold items which should have been remitted to the BIR (Burea of Internal Revenue),” ayon sa reklamong isinampa sa NBI na nilagdaan ni Asst. Director for Intelligenvce Service Eric Distor bilang kinatawan ni Director Dante Gierran.

Nag-ugat ang reklamo ng isang matagal nang customer ng mga Keh na si Junna Corp. president Ireneo Quizon na nadiskubre na hindi ni-remit ni Keh ang kanyang VAT payment noong 2019.

Ayon kay Quizon, matagal nang bumibili ng mga metal product ang Junna Corp. sa Metalex at madalas ang ginagamit umanong resibo nito ay ang sales invoice ng Metal Trade Sales Co. (MTSC) na pag-aari rin ng mag-asawa.

At dahil alam niya na iisa lang ang may-ari ng MTSC at Metalex ay tinanggap niya ang mga resibo nito sa loob ng 17 taon niyang pagbili sa nasabing kompanya.

Sa imbestigasyon ng NBI, nadiskubre na bagama’t nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang MTSC, pawang fictitious ang may-ari nitong sina Victor Vernos at Rodrigo Ponce.

Wala ring business permit mula sa Valenzuela City at hindi ito nakarehistro sa local BIR.

Ang paggamit umano ng pekeng resibo ay para makatakas si Keh sa pagbabayad ng tamang buwis sa gobyerno bukod sa pagbubulsa sa VAT na dapat na binabayad sa gobyerno.

Napatunayan na kapwa pag-aari ng mag-asa­wang Keh ang MTSC at Metalex, ayon Special Investigator Roel Jovenir, executive officer ng NBI Tactical Investigation Division.

“This is only one customer and the fraud is already at around P1B. We are now investigating how many more buyers were victimized by the subjects,” ayon kay Jovenir.

Pormal nang ipinadala ng NBI ang kanilang report kay BIR Commissioner Ceasar Dulay.

Ang Ferrotech Steel ang pinakamalaking manufacturer ng liquefied petroleum gas cynlinder sa Pilipinas.