Matinding kalupitan ang ipinalasap muna sa isang lalaki bago ito pinatay ng mga hindi nakikilalang suspek, dahil binalot muna ng packaging tape ang mukha nito, saka iginapos ang mga kamay sa likod na parang baboy bago pinagbabaril hanggang mamatay sa Brgy. Payatas A, Quezon City, kahapon ng mada­ling-araw.

Sa report ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU), inilarawan ang hindi kilalang biktima na nakasuot ng itim na jacket, maong na pantalon, brown shoes, at nasa 45-50-anyos, may tattoo sa kanang dibdib na “GIE” at “ BCJ32” sa kanang bahagi ng likod.

Sa imbestigasyon ni PO3 Alvin Quisumbing ng CIDU, nangyari ang krimen dakong ala-1:45 ng madaling-araw sa tapat ng 16-Sto. Niño St., Brgy. Payatas A, Quezon City.

Sa pahayag kay PO3 Quisumbing ng nagngangalang Arnold Casis, na­tutulog siya nang magi­sing dahil sa sunud-sunod na putok ng baril.

Ilang sandali pa ay tumahimik na umano kaya’t lumabas siya para alamin ang nangyari at dito na nga niya nadiskubre ang bangkay ng biktima na tadtad ng tama ng bala sa katawan.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng CIDU para makilala ang biktima at may kagagawan ng krimen.