Kritikal ang isang tricycle driver matapos na barilin sa mukha ng kanyang matagal nang kaaway habang isang dalagita ang nadamay sa nangyaring pamamaril sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat nina SPO1 Ronaldo Hernand at PO2 Diego Ngippol ng Malabon City Police-Homicide Unit, alas-9:15 ng gabi nang maganap ang insidente sa kanto ng Block III, Pampano Street, Barangay Longos ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan umanong nasa loob ng isang computer shop ang biktimang si Nilo Cabotaje, 43 anyos, ng nasabi ring lugar nang dumating ang suspek na nakilala lamang sa alyas Elizer Tagalog at saka walang sali-salitang binaril sa mukha si Cabotaje.

Nagkagulo ang mga tao sa shop at mabilis na nagsitakbuhan papalabas ngunit patuloy pa rin sa pagpapaputok ang suspek hanggang sa tamaan din sa paa si Sophia Ann Pagunsan, 16 anyos, custo­mer din sa computer shop nang mga oras na iyon.

Matapos ang insidente ay tumakas ang suspek patungo sa hindi na nalaman pang direksiyon.

Agad din namang naisugod ang mga biktima sa Tondo Medical Center kung saan patuloy pa ring isinasalba ang buhay ni Cabotaje habang nagpapagaling na rin lang si Pagunsan.

Napag-alaman sa pulisya na matagal na umanong kaaway ni Cabo­taje ang suspek dahil umano sa hindi nababayarang pagkakautang.