Pinagbabaril bago itinapon sa isang estero ang isang parking attendant na umano’y drug addict sa kanilang lugar nang madiskubreng palutang-lutang, kamakalawa ng hapon sa San Miguel, Maynila.
Nalaman na may tatlong araw nang nawawala ang biktimang si Jose Midina, 60, residente ng 1003 Arlegui Street, Quiapo, Manila, bago ito nadiskubreng bangkay dakong alas-kwatro ng hapon sa Estero de San Miguel ng ilang residente sa lugar.
Ayon kay Marissa Angelo, 37, huli niyang nakitang buhay ang kinakasama dakong alas-10:00 ng umaga noong Abril 21 sa kanilang tahanan.
Inamin nito sa pulisya na isang drug addict ang biktima at madalas na bumisita sa Islamic Center kung saan ito bumibili ng shabu.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Richard Escarlan ng Manila Police District-Homicide Section sinabi ni Angelo na bago pa natagpuan ang bangkay ay may nakapagsabi na sa kanya na binaril ang kinakasama sa loob ng Islamic Center.
Hindi naman umano niya ito pinaniwalaan at hindi rin siya nagtungo sa lugar, dahil takot siyang pumasok sa Islamic Center.
Naniniwala naman ang pulisya na may kinalaman sa ilegal na droga ang pagpatay sa biktima, pero bigo pa silang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin sa krimen.