Winasiwas ng UST at Laoag ang magkahiwalay na katunggali para ilista ang unang panalo sa pagbubukas ng Shakey’s V-League Season 13 Reinforced Conference sa PhilSports Arena kahapon.
Tinalbos ng Tigresses sa apat na sets ang Air Force Lady Jet Spikers 25-15, 20-25, 25-13, 25-21, winalis ng Power Smashers ang Coast Guard Lady Dolphins 25-8, 25-15, 25-16 para magsalo sa unahan sa 1-0 cards.
Kumana sina Carla Sandoval at EJ Laure ng tig-19 markers para sa UST, may 15 points si Marivic Meneses.
Nasa lineup na ng Tigresses si Pam Lastimosa pero hindi muna pinaglaro.
Kulang sa preparasyon ang Power Smashers pero masaya na rin si coach Nes Pamilar sa ipinakita ng kanyang mga bataan.
Binitbit ng power-hitting duo nina Jorelle Singh at Grethcel Soltones ang Laoag para punan ang trabahong iniwanan muna nina Jema Galanza at Aiko Urdas.
Lumaro si Galanza sa Adamson habang pumalo si Urdas sa NU sa ongoing 79th UAAP beach volleyball.
Bumira si Singh ng 17 points kasama ang 13 spikes, humataw si San Sebastian ace spiker Soltones ng 13 points.