Bangkay na bumulagta ang isang 31-anyos na binata makaraang targetin ng punglo sa kanyang ulo ng ‘di pa kilalang suspek sa isang madilim na eskinita sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Nakilala ang biktima na si Roy Caraan y Mangati, ng No. 162 Saint Catherine St., Brgy. Holy Spirit, ng nasabing lungsod.
Ayon kay Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) investigator PO3 Virgilio Mendoza, may-hawak ng kaso, nangyari ang krimen dakong alas-kuwatro ng madaling-araw sa tapat ng No. 247 E. St. Peter Street sa kanto ng Ramon St., Brgy. Holy Spirit, Quezon City.
Base sa naging pahayag kay P03 Mendoza ng isang saksi na si William Wong, nasa loob umano siya ng kanilang bahay nang makarinig ng mga putok ng baril mula sa labas.
Ilang minuto ang nakalipas umano nang madiskubre ang nakabulagtang biktima na naliligo sa kanyang sariling dugo.
Narekober naman ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang tatlong piraso ng basyo ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril at dalawang piraso ng tingga.
Blangko pa ang kapulisan kung sino ang suspek at kung ano ang motibo sa krimen.