Hindi na naiuwi ng isang trabahador ang perang sinahod sa ginagawang gusali sa Quezon City makaraang mahulog ito mula sa ika-27 palapag nitong umaga nang Sabado, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Kinilala ni Inspector Nick Fontanilla ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District ang biktima na si Edward Calma De Vera, 38-anyos, binata, steelman, tubong Tarlac at stay-in sa ginagawang gusali ng Robin­sons Giga Tower sa E. Rodriguez Jr. Avenue, Brgy. Ugong Norte sa nasabing lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Alvin Quisum­bing, nangyari ang insidente dakong alas-9:45 nang umaga sa ginagawang tower ng Robinson.

Kinuha umano si De Vera upang magtrabaho bilang steelman at itinalaga sa ika-27 palapag ng tower.

Ayon sa kasamahang si Erwin Rosas, nakalimutan umano ni De Vera na mag-log out sa biometrics at kunin ang kanyang suweldo nitong Disyembre 28 kaya bumalik ito sa Robinson kinabukasan para kolektahin na ang perang pinagtrabahuhan upang umuwi sa kanilang lalawigan at doon salubungin ang bagong taon.

Pero nang hanapin umano niya si De Vera ay nagulantang na lamang siya nang makita itong duguan at wala nang buhay na nakahandusay sa ground floor malapit sa elevator ng gusali.

Base sa ulat ng rumespondeng Scene of the Crime Operatives sa pamumuno ni Senior Inspector Insp. Jose Bonifacio, lumitaw sa autopsy na nagtamo ang biktima ng grabeng pinsala sa katawan, nagkabali-bali ang buto at nabasag ang bungo.

Posibleng nahulog umano ang biktima mula sa ika-27 palapag pero masusi pang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente. (Dolly Cabreza)