Nasawi ang isang empleyado ng Globe Telecom nang mabundol at magulungan pa ng pampasaherong bus sa Quezon City Linggo nang madaling-araw.
Kinilala ni P/SSgt. Alfredo B. Moises ng Quezon City Police District-Traffic Sector 5 ang biktima na si Richel Villanueva Salvador, 36–anyos, binata, at taga-Poblacion Wao, Lanao del Sur.
Nagulungan ang kalahati ng kanyang katawan ng pampasaherong bus.
Kusa namang sumuko si Charlton Gamale Ranario, 51–anyos, ang driver ng nakasagasang E&E Royal Couple Bus na may plakang ACZ 2808, at residente ng Bagong Silang, Caloocan City.
Sa inisyal na imbestigasyon ni Moises, dakong alas–dos ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Commonwealth Avenue.
Nag-aabang diumano ng sasakyan ang biktima sa tapat ng Jollibee sa southbound lane ng Commonwealth Avenue sa Brgy. West Fairview nang araruhin ito ng rumaragasang bus na minamaneho ni Ranario.
Isinugod pa ang biktima ng ambulansiya ng Brgy. Greater Lagro sa Quezon City General Hospital pero dineklara itong dead-on-arrival ni Dr. Criz Abigul.
Nakakulong ngayon si Ranario sa Traffic Sector 5 at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide. (Dolly Cabreza)