Isang 30-anyos na binata ang nasawi nang masagasaan ng kotseng nawalan ng kontrol habang minamaneho ng isang doktora sa Brgy. Tejeros, Makati City ­kamakalawa ng gabi.

Namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Francis Zaballa na residente ng nasabing barangay.

Base sa ulat ni Inspector Gemma Reyes ng Makati Traffic Bureau, nangyari ang insidente dakong alas-11:40 ng gabi sa panulukan ng A.P. Reyes at J.P. Rizal St., Brgy. Tejeros kung saan biglang nagkaroon ng aberya ang Kia Rio EX na minamaneho ni Dr. Pearl Joy Hormigoso Secura, 40-anyos at taga-Sta. Ana, Maynila.

Sakay ng kotse ang 9-anyos na anak ni ­Secura at isa pang kasama na si Hanna Lim Cuachon, 40-anyos, nang magkaaberya ang sasakyan na nagkaroon ng ‘sudden unintended acceleration’ o nawalan ng kontrol at bigla na lamang humarurot.

Hindi nakontrol ng doktora ang preno hanggang sa masagasaan nito ang naka­tayong pedestrian na si Zaballa.

Nagtamo naman ng minor injury ang anak ni Secura at kasamang si Cuachon pero hindi na dinala sa ospital.