Binata na binistay ng rider natuluyan!

dead body

Dalawang araw pang nakipagbuno kay Kamatayan ang isang binata bago binawian ng buhay makaraang barilin ng isang suspek na sakay ng motorsiklo habang kasama ang kanyang mga kaibigan noong nakalipas na Miyerkules sa Sampaloc, Maynila.

Dakong alas-2:40 ng hapon nang itawag sa Manila Police District-Homicide Section (MPD-HS), kamakalawa ang pagkamatay ng biktimang si Crisanto Jim Denega, residente ng no. 1716 Int. 1 C. Aguila St., San Miguel, Maynila.

Kinikilala naman ng pulisya ang suspek na armado nang hindi mabatid na kalibre ng baril na sakay ng ‘di naplakahang motorsiklo.

Ayon sa imbestigasyon ni PO3 Jorlan Taluban ng MPD-HS alas-nuebe ng umaga kamakalawa nang tuluyang bawian ng buhay ang biktima dahil sa mga tama ng bala sa katawan pero hapon na nang itawag sa MPD-HS ng security personnel ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC).

Una nang itinakbo ang biktima sa Ospital ng Sampaloc noong Miyerkules (Hunyo 7) matapos barilin ng nag-iisang motorcycle ri­der, habang naglalakad kasama ang mga kaibi­gan sa Legarda St., panu­lukan ng Labandero St., sa Sampaloc, harapan ng 7/11 convenience store.

Sinamantala umano ng suspek ang pagtakas habang nagkakagulo ang mga kaibigan nito na maisugod ang biktima sa pagamutan.