Huli ang 19-anyos na binata nang makuhanan ng granada matapos tangayin diumano ang pinamiling grocery noong Huwebes nang hapon sa parking area ng isang mall sa Barangay Poblacion Sur, Talavera, Nueva Ecija.

Sa ulat ni Police Lt. Col. Alexie Desamito nakilala ang naaresto na si Daniel de la Cruz Tolentino, residente ng Brgy. Pulong San Miguel.

Sa imbestigasyon ni PSSg William G Gialogo dakong alas-5:50 ng hapon nang magsumbong sa pulis si Ruth Galvez Ferrer, 36, isang government employee, kaugnay ng insidente.

Ang naturang grocery item na nagkakahalaga ng P6,500 ay nakalagay sa diumano sa kanilang sasakyan na nakaparada sa parking area.

Sa tulong ng kuha ng close circuit television ay natunton ang salarin at narekober ang assorted grocery, pero bukod dito, nakunan ng granada ang salarin nang magsagawa ng body search ang mga pulis.

Dahil dito ay mga kasong theft at paglabag sa RA 9516 kaugnay sa nakuhang pampasabog, ang sinampa kontra kay Tolentino. (Jojo De Guzman)