“Kapag hindi ka dumating dito sa bahay, magpapakamatay ako…”

Tinotoo ng isang 24-anyos na lalaking caretaker ang banta nito sa kanyang kasintahan na magpapakamatay kapag hindi dumating sa kanyang bahay na binabantayan sa Bennet Road, Purok 5 Barangay Old Cabalan, Olongapo City.

Wala ng buhay nang madiskubre bandang alas-dose ng hatinggabi nitong Sabado ng kanyang kapitbahay ang biktimang nakilala lamang sa pangalang ‘Jay-R’.

Ayon sa mga kapitbahay ng biktima, problema sa pag-ibig ang nakikita nilang dahilan ng pagpapakamatay ng binata.

Ilang mga text messages umano buhat sa cellphone ng biktima ang kanilang nadiskubre kung saan ay hinihiling ng lalaki na makasama ang babae at pinapupunta ang dalaga sa binabantayan nitong bahay.

Hindi umano dumating ang babae hanggang sa magdesisyon ang biktima na wakasan na ang sariling buhay at nagbigti gamit ang mahabang lubid.