Timbog ang isang 27-anyos na binata makaraang masamsam dito ang mga nakatanim na puno ng marijuana sa kanyang bakuran sa buy-bust operation sa San Pablo City, Laguna noong Miyerkoles nang hapon.

Hindi na nakapalag ang suspek na si Eldon Pagkaliwagan matapos itong arestuhin ng mga pulis sa loob mismo ng kanyang compound sa Barangay San Ignacio.

Isang pulis na umaktong poseur buyer ang nagpanggap na bibili ng mga dahon ng marijuana sa suspek.

Matapos magpositibo ang transaksyon, suma­lakay na ang mga backup na pulis na hindi kalayuan sa lugar.

Tumambad sa mga ito ang anim na puno ng marijuana na nakatanim sa mga plastic seedling bag na nasa loob mismo ng bakuran nito.

Nakakulong na ang suspek sa San Pablo Police Station locked up cell. (Ronilo Dagos)