Nasawi ang isang 17-anyos na out-of school youth (OSY) matapos barilin ng hindi nakikilalang suspek habang abala sa isang piso net kamakalawa ng hapon sa Tondo, Maynila.
Kinilala ang biktima na si Marvin Galicio at taga-Gate 18, Parola Compound sa Tondo dahil sa isang tama ng bala sa likod ng ulo.
Ayon kay PO3 Dennis Turla ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente alas-singko ng hapon sa Pisonet Café sa Area H Gate 18 nang lapitan ng isa sa dalawang suspek ang biktima na noon ay abala sa paglalaro sa piso net.
Tumakbo lamang umano papalayo sa lugar ang mga suspek nang makitang napuruhan na ang target.
Bigo naman ang mga saksi na makilala ang suspek dahil sa suot nitong sumbrero. Wala rin naman umanong nakakabit na CCTV sa lugar na maaari sanang makatulong sa pagresolba ng krimen.
Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente para matukoy kung sino ang nasa likod ng pagpatay kung saan kabilang sa tinitingnang motibo ay personal na alitan.