Isang binatilyo ang nagbigti matapos na hindi na makayanan ang depresyong kanyang dinadanas sa Valenzuela kahapon nang umaga.
Sa ulat ng Valenzuela City Police Community Precint VIII, alas-7:30 ng umaga nang matagpuan ng kanyang ina na si Rosalina Francisco ang wala nang buhay na anak na si Renz Paolo Francisco, 19-anyos, binata, walang hanapbuhay at residente ng Liwanag Compound F. Bautista St., Brgy. Ugong ng nasabing lungsod na nakabigti gamit ang isang nylon cord na nakapulupot sa wooden beam ang kabilang dulo.
Agad niyang ipinaalam sa asawa na mabilis ding humingi ng saklolo sa nasabing himpilan. Siniyasat agad ng Scene Of the Crime Operatives (SOCO) ang biktima na hindi nakitaan ng anumang external injury.
May nakita ring note na sulat kamay ng biktima sa kanang bulsa ng short na suot nito na hindi na idinetalye ng mga awtoridad sa kahilingan na rin ng pamilya ng nasawi.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga na rin ng Mandy Funeral Homes ang labi ng biktima na nakatakdang sumailalim sa autopsy.