Atty. Claire Castro
Dear Atty. Claire,
Itatanong ko lang po ang tungkol sa lupa. Okay lang ba na ang lupang kinatitirikan ng bahay namin ay binibenta sa amin ng may-ari ng walang Road Right of Way.
Ang pagkakaalam namin nung una ay may mga anak siya pero nang i-transfer nila ang title, nalipat sa asawang babae kasi namatay na ang kanyang asawa na lalaki pero may tatlo silang anak na nasa ibang bansa.
“Self Adjudication” ang pagkakatala sa Register of Deeds, instead na Extra Judicial Settlement of Estate, puwede ba namin bilhin ito? Kasi gusto na nang may-ari na magbayad na daw kami. Alin po ba ang mangyayari kung magbabayad kami? Makakakuha po ba kami ng title namin kahit walang right of way.
Lubos na gumagalang,
Andrew.
Andrew,
Kung alam mo na talagang may anak sila pero hindi niya isiniwalat ito at imbes ay tinago pa sa pamamagitan ng paggawa ng kasinungalingan katulad ng Affidavit of Self Adjudication na ang ibig sabihin ay siya lang ang tagapagmana ng kanyang asawa — ay siguradong magkakaproblema ka dahil baka dumating ang oras na humabol ang iba pang tagapagmana ng isa sa may ari ng lupa at wala kang magagawa dito kundi isauli ang lupang nailipat sa iyo sa pamamagitan ng kasinungaligan.
Mas mainam na makuha ang authorization to sell mula sa mga tagapagmana pabor sa nagbebenta sa iyo upang hindi nila masasabi na sila ay hindi nabigyan ng kanilang share sa mana o “legitime”.
Tungkol naman sa right of way ay mabuting basahin ang sinasabi sa titulo upang malaman kung totoong walang right of way. Hindi kasi kadalasan napapayagan na magkaroon ng technical description ang isang plan ng lupa kung walang right of way ang isang area na nasa looban (interior).
Kung wala talagang right of way ay maaari ka namang dumulog sa korte upang makahingi ng right of way sa mga katabing lupa pero babayaran mo ang may ari ng area na masasakop ng right of way.
Tungkol naman sa bentahan ay alamin mo muna ang mga nakasaad na mga kondisyon sa titulo bago ito maibenta sa iba. Halimbawa, may mga lupa kasi na awarded lamang sa isang farmer bilang tenant at isa sa mga kondisyon ay hindi ito maibebenta o maililipat sa iba kundi sa kanyang mga tagapagmana lamang.
Bago magbayad ay alamin muna ang lahat ng maaaring kaharaping problema.
***
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410 7624 o 922 0245 o mag email sa attorneyclaire@gmail.com.