Kapag binigyan ka ng umento sa sahod, kung ‘di man ito utos ng wage board o alinsunod sa collective bargaining agreement, ibig sabihin ay deserving o maganda ang iyong trabaho kaya binuhusan ka ng grasya ng boss.
Pero dito sa Philippine National Police (PNP), nabigyan ng higanteng umento sa sahod ang mga pulis, mula sa may pinakamababang ranggo hanggang sa director general.
Kapalit ng dagdag-sahod, dapat ay nagpakitang-gilas ang mga opisyal sa pagsugpo ng kriminalidad. Kung tutuusin, kahit walang umento sa sahod ay ito dapat ang ginagawa ng mga pulis. Pero iba ang nasaksihan ng mamamayan, kaliwa’t kanan ang pagdampot sa mga tambay at mga taong hilig magpakita ng katawan kahit wala namang abs kundi malalaking tiyan. Kahit na ‘yung taong sumilip lang sa gate, dinampot agad ng pulis dahil lamang sa walang suot na pang-itaas.
Wala na ngang sinasandalang batas sa panghuhuli ng tambay, lumarga pa rin sila nang magpalusot na tumatalima lamang sila sa mga local ordinance. Kahit nasa demokratikong bansa tayo, kasalanan na pala ang tumambay. Kung tutuusin, ang mga tambay na ito ay biktima ng kawalan ng mapapasukang trabaho sa bansa. Kung natulungan sana sila ng gobyerno na mabigyan ng trabaho, hindi sila magiging pakalat-kalat sa kalsada.
Ang isa pang hindi ko mawari ay kung bakit kailangan pang hulihin ang mga taong walang damit pang-itaas. Isang tropical country ang Pilipinas at kapag panahon ng summer ay talagang mainit. Eh kung naging katabi ng Switzerland ang ating bansa, may makita pa kaya ang PNP na mga taong naka-short lang? Aba’y baka manigas sila sa lamig.
Ang masaklap nito, kahit ‘yung mga tambay, may kontribusyon din sila sa tinatanggap na malaking sahod ng mga pulis. ‘Yung pagbili nila ng yosi at empi, napakalaki ng excise tax na binabayaran nila, buwis na napupunta sa kaban ng bayan at ginagamit sa pagpapatakbo ng gobyerno, kabilang na ang pasahod sa mga pulis.
Sana ay mga doktor, nurse at teacher na lamang ang binigyan ng umento sa sahod. At least, kapag pumunta ka sa Philippine General Hospital (PGH), makikita mo du’n ang ating mga doktor at nurse na kahit kulang sa tulog, lagare pa rin sa trabaho. Nabawasan din sana ang problema ng brain drain.
Ang mga public school teacher naman, maghapon sa trabaho at halos 100 estudyante ang hinahawakan bawat araw. Sila rin ang tumatayong ikalawang magulang ng mga bata.
Huwag sanang mapikon ang liderato ng PNP sa ating pananaw. Bagkus ay maging daan ito upang ayusin ang nasira nilang imahe dahil sa anti-tambay crackdown. Hihintayin pa ba nila na dumating ang panahon na ang mga pulis ang kinayayamutan ng nakararaming mamamayan?