Biniling lupa ipinangalan kay utol

Dear Atty. Claire:

Good day po. Isa po akong OFW na bumili ng lupa pero tax declaration pa lang po ‘yun at sa kapatid ko po muna ipinangalan dahil po ang sabi ng taga-BIR sa Batangas City na kapag tumagal ang proseso ng papel ay malaki ang babayaran kaya nagdesisyon ang kapatid ko na sa kanya muna ipangalan kahit na ang gusto ko ay ipadala sa ibang bansa ang papel. ‘Yun na lang po ang ginawa para makatipid.

Gusto ko po sana pag-uwi ko ilipat na sa pa­ngalan ko at patituluhan ko na. Puwede po ba ‘yun? At saan po ako magsisimula ng pagpa-process ng papel? Ano-ano po ang mga kailangang dokumento?

Salamat po,
Jamie ng Batangas City.

Ms. Jamie:

Mas mapapamahal ka pa sa ginawa ng iyong kapatid na ipangalan sa kanya ang ari-arian dahil bago iyan mai­lipat sa pangalan mo ay gagawa na naman kayo ng panibagong deed of assignment kung saan magbabayad ka ulit ng capital gains tax sa BIR at lahat ng buwis sa mga concerned agency.

Pangalawa, kapag nagkataon na hindi na pumayag ang kapatid mo na ilipat sa iyo ang rehistro nito ay mala­king problema ito. Sana ay may mga ebidensiya na magpapatunay na sa iyo talaga ang ari-arian at pinangalan lamang sa kanya ito upang mapabilis ang proseso.

Ang unang-una mong gagawin ay kailangang pumirma sa isang deed of assignment ang ka­patid pabor sa iyo at saka ipanotaryo ninyo. Kailangang kumuha ng tax clearance sa Assessor’s Office na may sakop sa ari-arian.

Kapag naayos na iyan ay kakailanganin nang magbayad ng karampatang buwis sa BIR at sa mga concerned agency patungkol sa paglilipat ng ari-arian.

Kapag nailipat na iyan sa pangalan mo ay saka mo na ayusin ang pagpapatitulo ng lupa para magkaroon na ng record sa Register of Deeds at gagawin ninyo ito sa pamamagitan ng pagsampa ng petition sa korte.