Isang lalaki na umano’y sangkot sa ilegal na kalakaran ng ipinagbabawal na gamot at pagnanakaw ang patay matapos umanong pagbabarilin ng mga lalaking maskarado sa Navotas City kamakalawa ng gabi.
Base sa record ng Navotas City Police, alas-siete pasado ng gabi nang maganap ang insidente sa Market III, Navotas Fish Port ng nasabing lungsod.
Isang lider ng lugar kung saan nangyari ang pamamaril ang kumilala sa biktima na si Omar Santos alyas ‘Rufi’, 28-anyos, ng Barangay Sapang, Almacen ng nasabing lungsod.
Nabatid na nasa tatlong kalalakihan na umano ay mga maskarado ang dumating sa lugar habang bumibili ng tube ice sa isang eskinita ang biktima.
Doon ay bigla na lamang umanong pinagbabaril ng mga ito ang biktima na agad nitong ikinasawi.
Matapos ang insidente ay agad ding nagsitakas ang mga salarin at iniwan ang biktima na napag-alamang dati na umanong nasaksak dahil sa ambagan ng kita sa ilegal na droga noong Mayo 4 taong lamang na ito, bukod pa sa nakulong ang biktima dahil sa iba’t ibang mga kaso ng pagnanakaw.