Isang vulcanizing boy ang patay matapos na walang habas na pagsasaksakin umano ng katrabaho na pinagbintangan siyang nagnakaw ng sahod nito sa lungsod ng Valenzuela kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Valenzuela City Police ay ganap umanong alas-nuwebe ng gabi nang maganap ang insidente sa 4J Vulcanizing Shop sa kahabaan ng Mindanao Avenue Extension ng nasabing lungsod.
Naka-duty umano ang biktimang si Merile Relos, 28, ng Apolonio Street, Barangay Mapulang Lupa ng nasabi ring lungsod nang lapitan ng suspek na si Nino Parra ng lungsod ng Caloocan at kinumpronta hinggil sa nawala umano niyang sahod.
Sinagot naman ng biktima na hindi umano siya ang kumuha noon ngunit tila ayaw maniwala ng suspek hanggang sa mauwi ang lahat sa mainitang pagtatalo.
Doon na dinampot ng suspek ang isang matulis na bagay na ginagamit sa pag-vulcanize ng gulong saka itinarak sa bandang taas na bahagi ng hita ng biktima.
Matapos ang insidente ay mabilis ring tumakas ang suspek habang naiwang nag-iisa ang biktima at dumadaloy nang mabilis ang kanyang dugo mula sa hita.
Nasa mahigit isang oras din bago may dumating at nasaklolohan ang biktima saka mabilis na isinugod ito sa Vian Family Hospital ngunit hindi na rin ito pinalad pang mabuhay at nasawi habang nasa biyahe pa lang dahil sa dami ng nawalang dugo sa katawan.