Bintang ng AI, kinontra ni Bato

ronald-bato-dela-rosa

Diretsahang kinontra ni PNP chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang pahayag ng Amnesty International (AI) na binabayaran ng P15,000 ang mga pulis na makakapatay ng sangkot sa iligal na droga.

Ayon kay Dela Rosa, walang katotohanan ang nasabing alegasyon na pinopondohan nila ang kanilang mga tauhan kapalit ng bawat mapapatay na sangkot sa droga na bahagi ng giyera sa illegal drugs.

Iginiit ni Dela Rosa na imposible ang nasabing pahayag dahil walang pondo ang PNP at wala silang pambayad sa mga pulis bilang karagdagang benepisy­o kapag mayroong napapatay na drug suspects.

Hinamon ni Dela Rosa ang mga kritiko na lumantad at ilabas ang kanilang ebidensya para maaksyunan nang maayos ang kanilang reklamo.

Napag-alaman sa inilabas na imbestigasyon ng AI, sinabi na “If you are poor you are killed: Extrajudicial Executions in the Philippines’ War on Drugs”.

Samantala, kinikilala naman ng Malacañang ang pahayag ni UN Special Rapporteur Agnes Callamard na natuwa sa pansamantalang paghinto ng PNP sa operas­yon kontra iligal na droga.

Gayunman binigyang-diin Presidential Spokesman Ernesto Abella na ang giyera kontra iligal na droga kagaya ng pahayag­ ni Pangulong Rodrigo Duterte ay magpapatuloy hanggang sa huling araw ng kanyang termino.

“The State does not condone extrajudicial killings perpetrated by common criminals which have been wrongly attributed in some unvetted reports as part of police ops,”dagdag nito.