Dumepensa kahapon ang kampo ng Tagum ­Agricultural Development Company, Inc. (TADECO) sa bintang ni House Speaker Pantaleon Alvarez na nampupuwersa ang kumpanya sa mga government agencies para maaprubahan ang Joint Venture Agreement (JVA) sa Bureau of Corrections (BuCor).

Ayon kay Alex Valoria, presidente at chief executive officer ng TADECO, kailanman ay hindi sila namilit sa Commission on Audit (COA), Department of Justice (DOJ) at Office of the Solicitor General (OSG) para makapasok sa kasunduan sa BuCor gaya ng bintang ni Alvarez at wala umanong katotohanan na ang TADECO lamang ang nagsasabing aboveboard ang JVA.

“This is a consensual arrangement, which has stood the test of time. We involve ourselves only in honest business dealings, not in bogus claims,” pahayag ni Valoria.

Kinontra rin ng kumpanya ang naging pahayag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na ang JVA sa pagitan ng TADECO at BuCor ay dapat matapos sa 2019 dahil ang unang 25 taong kontrata ay nagsimula noong 1969 at ang renewal ng kontrata ay mula 1994 hanggang 2019.

“The 25-year term should start in 1979, when the two parties consolidated the contracts signed between them on various dates from 1969 to 1978. Thus, the renewal should be reckoned in 2004 and the 25-year period should end in 2029,” giit ni Valoria.

Nanindigan ang TADECO na mula 1970s sa pagsisimula ng kanilang kumpanya ay tinuring ng Senado na “valid at aboveboard” ang kontrata at ma­ging ang DOJ sa pamamagitan ng 14 na naging kalihim nito ang nagsabing walang iregularidad sa JVA at nang suriin din ng Kamara ang kontrata ay napatunayan ­nitong nakikinabang ang gobyerno at ang komunidad sa Davao sa kasunduan.