Binukbok ni Dominguez, Piñol nag-resign

Naghain ng courtesy resignation si Agriculture Secretary Manny Piñol sa harap na rin ng napaulat na nakatakdang pagsibak umano nito sa puwesto.

Sinabi ni senator-elect Bong Go na isinumite ni Piñol ang kanyang courtesy resignation kahapon ng hapon.

Ayon sa Tweet ni Go, tila naramdaman aniya ni Piñol na papalitan na ito kaya nagpasyang magsumite ng kanyang resignation at hiniling na ilipat sa ibang puwesto, partikular sa Mindanao Development Authority.

Pero hiniling aniya ni Piñol na italaga ang kanyang tatlong undersecretaries para pangasiwaan ang pagpapatakbo sa ahensiya sa loob ng 30 araw.

Si Piñol ang sinisisi ng ilang miyembro ng gabine na naranasang rice shortage sa bansa noong 2018.

Nauna nang kumalat ang napipintong balasahan sa hanay ng mga gabinete ni Pangulong Duterte bago ang kanyang State of the Nation Address (SONA) sa susunod na buwan.

Dismayado umano ang Pangulo sa performance ng ilan sa kanyang gabinete kaya pinag-iisipang ilipat sa ibang puwesto ang ilan sa mga ito.

Ayon sa opisyal na tumangging magpabanggit ng pangalan, isa sa posibleng marigodon ay si Agriculture Secetary Manny Piñol.

Iminungkahi umano ni Finance Secretary Sonny Dominguez sa Pangulo na ilipat sa ibang puwesto si Piñol.

“Ang pinakaimportante sa kanya yung mamaintain yung performance niya kasi ngayon ang ganda ng acceptability ng taon sa administrasyon niya as a whole. Gusto niyang i-sustain yon,” anang source.

Matatandaang naging laman ng pahayagan si Piñol nitong nakalipas na linggo kaugnay sa isyu ng 22 mangingisdang muntik ng mapahamak matapos salpukin ng Chinese fishing vessel ang kanilang bangka sa Recto Bank.

Bukod pa dito ang isyu sa bigas noong 2018 matapos maharap sa krisis ang bansa dahil sa kakulangan ng supply sa ilang lugar sa bansa. (Aileen Taliping)