Patay ang isang hindi nakikilalang lalaki matapos gumanti ng putok ang isang pulis-Maynila na nanita sa kanya sa dilim pero kanyang binaril kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.
Inilarawan ni SPO2 John Charles Duran ng Manila Police District-Homicide Section (MPD-HS) ang biktima na nasa edad 30-35, may taas 5’2-5’3, kayumanggi, nakasuot ng maong pants at printed na kulay gray na sando na nagtamo ng tama ng bala sa ulo at dibdib.
Sa imbestigasyon naganap umano ang insidente dakong ala-1:50 ng madaling-araw sa harapan ng General Gregorio del Pilar Elementary School sa Jose Abad Santos Avenue at C.M. Recto, Tondo, Maynila.
Ayon kay PO2 Erique Alban Jr., nakatalaga sa Padre Algue Police Community Precinct (PCP), nagsasagawa umano sila ng pagpapatrulya nang mamataan ang suspek sa isang madilim na bahagi ng lugar dahilan para ito sitahin.
Bumaba umano si Alban sa mobile car at nilapitan ang suspek at saka nagpakilalang pulis pero sa halip na sumuko ay bumunot ng .38 kalibreng baril at dalawang beses na bumaril sa direksiyon ng mga pulis pero wala itong tinamaan dahilan para paputukan ni Alban.