Binuwisan na buwis

Ngayon lang ako nakarinig ng binuwisan ang buwis. Double taxation na nga ang ginawa sa petrolyo, may vat na, may excise tax pa.

Hindi naman sinasabi sa batas na mag-vat ka matapos patawan ng excise tax ang langis.

Dapat ang computation ay magpataw ka ng excise tax after the increase and after vat.

Ang nangyari, price increase, tapos excise tax tapos vat. Ang suma, binatan mo ang produkto kasama ang ipinatong mong buwis.

‘Yun nga lang double taxation, vat at excise tax ay kuwestiyonable na, tapos binuwisan mo pa ang ipinataw mong buwis?

Matagal na nating posisyon na mapaniil ang excise tax provision sa petrolyo ng TRAIN law.

Dahil ang lahat ng dagdag buwis ay pagbibigay quota sa karagdagang pagnanakaw ng mga tiwali sa gobyerno. Additional taxes will just subsidize corruption.

Pasalamat tayo at merong grupo gaya ng Laban Konsyumer Inc. na sumisilip sa mga kamaliang ito. Panahon na para hilingin sa mga mambabatas na tanggalin ang mapaniil na probis­yong ito sa TRAIN law. Gawin nating eleksyon issue ang excise tax sa petrolyo. Hindi pa naman huli na hilingin sa kanila ang pagbasura sa nasabing probisyon.

In the meantime, dinadagdagan natin ng 20 sentimo kada lit­ro ang nanakawin ng mga tiwali sa pamahalaan.
Simple lang ang ating tugon sa isyung ito, ibalik ninyo ang sobra ninyong sini­ngil.