BIR: Bayaran ng buwis hanggang Abril 15

Hindi palalawigin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang April 15 deadline sa pagbabayad ng buwis sa gobyerno.

Batay sa mensahe ni Finance Secretary Carlos Dominguez na binasa sa Laging Handa press briefing sa Malacañang, walang extension ang pagsusumite ng income tax dahil malinaw na nakasaad ito sa batas.

Gayunman, papayagan aniya nila ang ilang konsiderasyon alinsunod sa ipapatupad na ilang kondisyon ng ahensiya.

“It is in the law but we can allow amendment of returns without payment of interest subject to certain conditions, like no variance of more than 25%. This will be in line with the SEC’s extension of deadline of filing of audited FS of 60 days,” ani Dominguez.

Ang isyu sa pagbabayad ng buwis sa April 15 ang isa sa mga tanong ng publiko matapos ianunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Huwebes nang gabi ang pagpapatupad ng community quarantine sa buong Metro Manila.

Hinihiling ng ilang grupo na magpalabas agad ng guidelines ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases para malaman ang mga panuntunan sa pagbabayad ng buwis ng mga hindi taga-Metro Manila na ang mga negosyo o mga trabaho ay nasa National Capital Region. (Aileen Taliping)