Pinuri ng ACT-CIS Party-list ang pamunuan Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil sa kanilang paghabol at pagpapasara sa ilang sangay ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na hindi nagbabayad ng buwis sa gobyerno.
Ayon kay Cong. Eric Yap, chairman ng Committee on Games and Amusement sa Kongreso, makatwiran lamang ang patuloy na ginagawang pagsalakay ng BIR sa mga pasaway na sangay ng POGO.
Sa report na natanggap ni Yap, nasa P100 milyon na buwis ang hindi ibinayad sa pamahalaan ng Altech Innovations Business Outsorcing na may tanggapan sa Parañaque at Pasay na siyang pinakahuling ipinasara ng BIR.
Nasa mahigit sa 1,000 empleyado na pawang Chinese national ang pinauwi muna ng mga tauhan ng BIR sa kanilang tirahan sa Parañaque at Pasay City, habang sila ang iniimbestigahan at sarado pa ang kanilang kompanya.