Birada sa labas, pinauso ni Stephen

HINDI lingid kay Stephen Curry na malakas ang impact ng laro niya sa kasalukuyang hene­rasyon.

Humaharabas ang benta ng kanyang jersey No. 30 ng Golden State Warriors.

Sa halip na post up o drive, pinapraktis ng mga bata ang tumira dalawang hakbang sa labas ng 3-point arc – ang Steph Curry range.

Ugali ni Curry na pagkatapos ng shootaround bago ang tipoff ng bawat home game ng Warriors, bibitaw siya ng napakalayong tira bago pumasok sa tunnel ng Oracle Arena.

At patok na patok ang Under Armour sports gears na ineendorso niya.

Nasa Manila si Curry hanggang ngayong Sabado para sa dalawang araw na stops ng kanyang Under Armour Asia Tour para i-launch ang bago niyang Curry 5s.

Suot niya ang kulay dilaw na sapatos sa press conference sa Kerry’s Sports sa BGC kahapon, nang sagutin ang mga tanong tungkol sa impluwensiya ng kanyang laro sa kabataan – laro na nagbigay sa kanya ng tatlong championship rings.

“The way I play is the way that I know how to play, the way I am comfortable playing and what I have worked as far as I can remember,” anang two-time MVP.

Nag-iba ang itsura ng NBA pagpasok niya noong 2009. Sa kanyang panahon, high level na ang shooting.

Marami raw nauna sa kanya na nakaimplu­wensiya rin sa dinatnang henerasyon, panahon naman niya ngayon.

“There’s been a lot of guys that did that for me like Steve Nash and Reggie Miller,” dagdag ni Curry. “I can be that guy for the boys and girls that are playing right now. That’s special.”

Babalikan na lang daw niya ng tanaw at titimbangin kung gaano kalaki ang impluwensiya ng kanyang laro kapag nag-retire na, sa edad 30 ay mukhang malayo pa.