Huwag matakot kumain ng manok subalit kailangan lang tiyakin na maluluto ito nang maigi bago kainin.
Ito ang pahayag ni Department of Health (DOH) Assistant Secretary Eric Tayag sa ambush interview sa Kamara kahapon habang dumadalo sa pagdinig ng pondo ng DOH sa susunod na taon.
“Sa ibang bansa na may bird flu, ang pagkain ng manok ay hindi nagdulot ng sakit. Ligtas pong kumain ng manok sa ating bansa sapagkat niluluto natin ang manok,” ani Tayag.
Iwasan din aniyang kumain ng hilaw na itlog upang masiguro na hindi mahawa sa sakit ng manok subalit puwedeng kumain aniya ng nilagang itlog at fried eggs.
Ginawa ni Tayag ang pahayag dahil maraming natatakot na kumain ng manok dahil sa bird flu sa Pampanga na naging dahilan kaya kinatay ang libu-libong manok na nagkaroon ng nasabing virus.
“Ang paghina ng benta (ng manok) ay dahil hindi nakakarating ang tamang impormasyon sa ating mga kababayan kaya itong binibigay naming public health advisory sa mga kababayan natin ay sana makatulong sapagkat ang pagkain ng manok ay hindi nakakahawa ng sinasabing bird flu,” ayon pa sa opisyal.
Ang tanging may posibilidad na mahawa ng bird flu ay ang mga nag-alaga aniya ng mga manok na nagkaroon ng virus, kasama na ang mga nag-handle ng mga namatay na manok at naglinis sa kanilang kulungan.
Maaari rin umanong mahawa ang nagbebenta ng mga manok kung sila ang kumatay dito dahil ang virus ay mula aniya sa luha at sipon ng manok na puwedeng mailipat sa mga tao sa pamamagitan nang paghinga at mata.
“Maaari pong makuha ng tao ang sakit pero bihira lamang po at ‘pag makukuha ang sakit nagiging matindi po ang sintomas o pagkakasakit. Eto ay pagkakaroon ng mataas na lagnat, ubo, sipon. Para din pong human influenza,” ani Tayag.
Sinabi ng opisyal na 60% sa mga nahahawa sa bird flu ay maaaring mamatay subalit sa ngayon aniya ay wala silang namo-monitor na nahawa sa mga nag-alaga, kumatay o kaya naglinis ng mga kulungan ng mga pinatay na manok sa Pampanga.
Inamin ni Tayag na walang stock ang DOH na anti-bird flu subalit madali aniya itong makabili kung kailangan subalit sa ngayon ay hindi pa ito kailangang bilhin sa United Nations.