Bird mo ba may flu?

spy-on-the-job-newbox rey marfil

Aligaga ngayon ang marami nating kababayan na nagtitinda at nag-aalaga ng mga manok at itlog, at pati na rin ang mga mahilig kumain ng manok at itlog, dahil sa kumpirmadong bird flu outbreak sa Pampanga.

Hindi biro ang problemang ito dahil tiyak na magkakaroon ng magkakarugtong na epekto kapag lumalala ang sitwasyon. Iyan eh kahit pa patiwarik na kumain ng manok at itlog ang mga opisyal natin para tiyakin sa publiko na ligtas kainin ang itlog at manok basta luto.

Kumbakit ba naman kasi tila napabayaan at hindi kaagad naagapan ang paglala ng sitwasyon ng outbreak na ngayon lang nangyari sa bansa. Sinasabi kasing noong Abril pa nagsimulang magkaroon ng sintomas ng problema sa isang poultry farm sa bayan ng San Luis.

Pero dahil hindi nga kaagad nasubaybayan, ayun, kumalat na rin sa iba pang manukan at pangitlugan [itlugan] ang virus. Kaya naman ipinatupad ang 7-kilometer radius na quarantine area na hagip ang Apalit, Candaba, Minalin, Sta. Ana, Sto. Tomas, Mexico, San Simon, at San Fernando.

Nasa 200,000 manok at mga katulad na hayop din ang kailangang imasaker para mapigilan ang pagkalat pa ng virus. Bukod pa diyan ang kautusan ng Department of Agriculture na bawal na mailabas sa Luzon patungong Visayas at Mindanao ang mga manok at katulad na hayop sa loob ng 90 araw.

Ang tanong siguro ng ating kurimaw, makatutulong ba ang direktibang iyon para mapawi ang pangamba ng publiko? Mukhang hindi. Kung tunay at wagas na kontrolado lang ang problema ng bird flu sa Pampanga, bakit pati ang ibang poultry products gaya sa Cagayan valley o Southern Luzon eh kokontrolin?

Sabi ng isang grupo ng mga nag-i-itlog, 50 porsiyento ng mga itlog na binabate at kinukonsumo sa buong bansa ay galing sa Batangas. Papaano na iyan? Hindi na maaa­ring ipadala ang kanilang itlog sa Visayas at Mindanao?

At kung susumahin umano ang mawawalang kita sa itlog sa loob ng 90 araw ng shipment ban, posible raw na umabot ito sa halos P1 bilyon. Ngunit maliban diyan, tiyak na maapektuhan din ang presyo ng karne ng manok dahil marami ang tiyak na mangingilag na mag-fried chicken sa takot na baka may makapuslit na galing sa Pampanga.

Dahil hihina ang konsumo sa manok, tiyak na dadami ang lilipat sa karne ng baboy o baka, o isda, at tiyak naman na magkakaroon ng pagtaas sa presyo ng mga ito.

Kahit sabihin ng mga opisyal ng Department of Health na wala pang patunay na maililipat sa tao ang virus na mula sa manok, at ligtas kainin ang manok basta lutuin lang nang mabuti, aba’y pihadong hindi kaagad-agad na magiging kampante ang mga tao.

Maliban na lang siguro kung ipakikita ng DOH at DA officials na kukuha sila ng manok mula sa apektadong lugar sa Pampanga, iluluto nila at kakainin sa harap ng telebisyon para makumbinsi nila ang mga tao sa kanilang sinasabing ‘ligtas’.

At habang hindi nila ito ginagawa, baka ang mga titira lang ng manok ay iyong mga tao na kumakain ng buhay na manok sa mga peryahan, pati na ang mga sawa at buwaya na walang pakialam sa bird flu virus. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)