HINDI kasali sa competition ng 13th Cinemalaya ang Mikhail Red’s Birdshot, ang pelikulang nagbukas sa festival.

Sa paparating na Pista ng Pelikulang Pilipino (Agosto 16-22), isa ito sa mga dapat panoorin dahil mahusay ang pagkakahabi sa kuwento at madadala kung paano ito inilahad.

Ang kulay at sinematograpiya nito, ibayong igting, kilabot at ganda ang ibinigay sa pelikula.

Bilang direktor, alam na alam ni Mikhail Red ang kanyang gustong gawin at iparating sa manonood, na ang buhay ay hindi black and white, maraming gray areas, maraming iba’t ibang kulay, tao at emosyon kang pagdaraanan.

At sa totoo lang, ‘wag tayong magpapakasiguro na we are on top of the circle of life.

Ang mga artista nito, lalo na ang apat na pa­ngunahing artista — sina Mary Jane Apostol, Arnold Reyes, Ku Aquino at John Arcilla — pati na ang mga saglit lamang ang partisipasyon, sina Suzette Ranillo, Ellora Espano at the Angie Ferro, ginalingan at sinagpang ang mga katauhang binigyang buhay nila.

Bukal sa kanilang mga puso ang pagganap. Hindi mo aakalaing umaarte sila.

Itinaas masyado ng Birdshot ang bar of artistic and cinematic excellence.

Mahusay ka, Mikhail Red! Kabogera ang pelikula mo!