Dear Kuya Rom,

Tawagin mo na lang akong Ofel. Ako at ang mister ko ay sampung taong nagsasama. Sa una, maligaya ako. In fact, sa loob ng limang taon, tatlo ang naging anak namin dahil mahilig talaga kaming mag-asawa sa sex.

Pero ngayon, limang taon nang may sakit ang mister ko. Dahil dito, nawala na ang kanyang init. Hindi na niya ako napapaligaya. Hindi na ako nasisiyahan.

Binibiro ako ng mister ko. Hangad daw niya ang kaligayahan ko, kaya’t payag siyang magkaroon ako ng boyfriend. Birong nakakatukso sapagkat may feelings ako sa isang lalaking kasama ko sa trabaho.

Pero madalas na naiisip ko ang biro ng asawa ko at parang gusto kong totohanin.

Sasabihin ko ba sa kanya ang naiisip ko o gawin ko na lang basta ang biro niya? Kailangan pa bang pag-usapan ito? Mahalaga ang sex, hindi ba? — Ofel

Dear Ofel,

Isipin mong ang isang biro ay biro, kaya’t huwag mong totohanin o seryosohin. Ang birong siniseryoso ay kadalasang nagiging simula ng problema, problemang hindi mangyayari kung hindi siniseryoso ang isang biro.

Mahalaga ang sex, pero hindi sa sex lamang umiikot ang buhay ng mag-asawa. Mahalaga ang magkaroon ng kasiyahan, pero hindi kasiyahan sa sex lamang matatagpuan ang kaligayahan.

Bilang babaeng may asawa, ang damdamin, puso’t isip mo ay dapat nakatuon lamang sa Diyos, sa mister mo, sa mga anak mo at hinding-hindi sa ibang lalaki.

Mabuti ang magkaroon ng bukas, maayos, totoo at puno ng pag-ibig na pag-uusap. Para sa dalawang mag-asawa, maraming mahalagang bagay ang dapat pag-usapan, hindi tungkol sa sex lamang.

Kapag ang pangangailangan mo ng sex ang pag-­uusapan at alam mong hindi ganap na matutugunan ito ng mister mo, hindi nararapat na buksan ang isyung ito at pag-usapan pa, sapagkat lalong magbibigay ito ng kabigatan sa kanyang puso. Ang totoo, hindi siya nagkukulang ng pagmamahal sa iyo; kulang lamang siya ng pisikal na kalakasan para sa kasiyahan mo dahil sa kanyang sakit.

Masasaktan siya kapag tinotoo mo ang kanyang biro. Ito ay imoral na gawain at hindi kaaya-aya sa pani­ngin ng Diyos at tao. Ito ay makasisira sa inyong pag-iibigan. Ito ay lilikha ng masamang problema sa pamilya­, at hindi makakatulong sa payapa at maayos na relasyon ninyong mag-asawa.

Kapag tinotoo mo ang kanyang biro, ito ay may masamang epekto sa inyong mga anak at maaaring ­kamuhian ka nila. Magiging masamang halimbawa ka sa mga bata. Walang magandang ibubunga ang pagha­hanap mo ng kasiyahan sa bisig ng ibang lalaki.

Mabuting maunawaan mo na higit na mahalaga ay ang walang hanggang ligayang matatagpuan mo sa pagsunod sa Diyos kaysa sa ilang sandaling kasiya­hang dala ng pagsunod mo sa pita ng laman. Unahin mo ang Diyos sa iyong buhay at ibibigay Niya ang ligayang walang kapantay. God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom

One Response