UMIIYAK si Annabelle Rama ang nakausap namin noong Sabado, bandang 4:00 PM.

Ibinalita ni Bisaya na yumao na ang nakababata niyang kapatid na si William Rama sa Las Vegas, Nevada.

Gulong-gulo pa si Bisaya habang kausap namin.

Nag-post nga raw siya sa kanyang Instagram (@annabelleramaig) ng tungkol doon, pati sa butterfly na umikut-ikot sa paligid niya at hindi na siya iniwan.

“Feeling ko, si William ang butterfly na ito,” naiiyak na sabi sa amin ni Bisaya.

Hindi nagtagal ang pag-uusapan namin ng Gutierrez matriarch dahil hindi na niya napi­gilan ang mapahagulhol.

Maya-maya, si Ruffa Gutierrez naman ang nakausap namin.

Umiiyak din si Ruffa.

“I’m so sad. Wala na si Tito William. I’m looking for a church right now, gusto ko mag-pray,” sabi sa amin ni Ruffa.

Nang gabing ‘yon, nagulat na lang kami sa text sa amin ni Ruffa.

Finorward niya sa amin ang text message sa kanya ng isa niyang pinsan na sinasabing hindi pa patay ang kanilang Tito William.

Hindi raw pumayag ang anak ni Tito William na tanggalin ang life support ng tatay.

“Tito William is still alive!!! Thank God!!!” dagdag pa ni Ruffa sa kanyang text at tinawagan na namin si Bisaya.

“Hindi ko masyadong naintindihan ang text sa akin ni (Dr.) Buloy (Rama, his older bro­ther). Hindi pala puma­yag si Harold na tanggalin ‘yung life support ni William.

“Nag-sorry nga ako kaagad. Mali ang intindi ko sa sinabi sa akin ni Buloy!” ang masayang sabi na sa amin ni Bisaya.

Ang hiling na lang ni Bisaya ay ang ipagpatuloy ang pagdarasal para sa kanyang kapatid na si William, pero kahapon, binawian na rin ng buhay ang nakababatang kapatid ni Bisaya.

“Mga 3:00 PM (Sabado) sa Las Vegas nang mamatay si William. Ang lungkot-lungkot namin ng mga Rama (nasa Cebu kasi siya noon pang Biyernes).

“Isulat mo na lang na ipagdasal nila ang ka­luluwa ni William,” sabi pa ni Bisaya.

Sobrang malapit kay Bisaya ang kapatid na si William at sa tuwing may problema ang nanay ni Ruffa, umuuwi pa ng ‘Pinas ang yumaong kapatid para damayan siya sa kanyang mga pinagdaraanan.

Sa pamilya Rama, ang aming pakikiramay!

***

Lovi Poe
Lovi Poe

Marami ang nagulat sa guesting ni Lovi Poe noong Biyernes sa Tonight with Boy Abunda ng ABS-CBN.

Para sa pelikulang Woke Up Like This nila ni Vhong Navaroo ang guesting na ‘yon.

Exclusive contract star ng GMA 7 si Lovi, kaya nakakapagtaka kung paano siyang nakapag-guest sa show ni Boy Abunda.

Ayon sa ilang tinanong namin, sa Kapamilya network ang TV rights ng Woke Up Like This, kaya maayos­ na ipi­nagpaalam ng Regal Entertainment at ng ma­nagement team ni Lovi ang guesting ng dalaga sa TWBA.

Sa Kapuso network daw ay walang problema kung mag-guest man sa Dos ang kanilang mga artista basta para sa promotions ng pelikula lalo na at ang Kapamilya network ang may hawak ng TV rights.

May iba ring exclusive talents ang GMA 7 na nagawa ring makapag-guest sa ibang shows ng Dos nang magkaroon sila ng pelikula na ang TV rights ay pag-aari ng Kapamil­ya network.

Mamayang gabi ang premiere night ng Woke Up Like This at marami ang mag-aabang kung isasama roon ni Lovi ang rumored-boyfriend niya na si Chris Johnson.

May ibang events kasi na nakikitang kasa-kasama ni Lovi si Chris, huh!