Bisaya at BF ni Ruffa, dedmahan sa Bangkok

Ruffa Gutierrez

SHOCKED kami sa ipinost sa Instagram ng kaibigan ni Annabelle Rama na si Princess Lovelie Duterte @bailovelieness.

Sa picture ay kasama nila ni Bisaya ang ilang kaibigan na kumakain sa isang restaurant sa ­Bangkok, Thailand.

Katabi ng table nila ang table nina ­Ruffa ­Gutierrez at Jordan Mouyal.

Nagkabati na ba sina Bisaya at Jordan?

Natanggap na ba ng Gutierrez matriarch ang boyfriend ng kanyang unica hija?

Hmph! Kese­hodang nasa Bangkok siya ay tinawagan namin si Bisaya dahil naka-roaming ang kanyang mobile phone.

‘Kaloka lang dahil paos na paos si Bisaya dahil may sakit siya.

Kuwento ni Bisaya, pabalik pa lang siya ng ‘Pinas at 10:00 PM ang flight nila ni Princess Lovelie kagabi.

Si Ruffa, nauna na ng umuwi ng ‘Pinas.

Biniro namin si Bisaya na BATI na pala sila ni Jordan. Aba, kesehodang malat na malat siya ay biglang nagbago ang tono ng boses ni Bisaya!

“Hindi kami nagbabatian! Magkasama lang sila ni Ruffa sa kabilang table at iba ang table namin. Pumayag lang ako sa picture-taking, pero hindi kami nag-usap!” sey ni Bisaya.

Biglang ipinasa ni Bisaya kay Princess Lovelie ang cellphone, kaya ito na lang ang tsinika namin.

Pinatanong namin kay Bisaya kung invited ba si Jordan sa 75th birthday party mamayang gabi ni Tito Eddie Gutierrez?

“Hindi raw!” sey ni Princess Lovelie na inulit ang sagot ni Bisaya.

“Kung gusto mo raw isama si Jordan, hindi ka na rin daw niya babatiin. Hahaha!”