SA Lunes na ang pilot telecast ng 5th season ng reality TV series ng pamilya Gutierrez, ang It Takes Gutz to be a Gutierrez, sa E! cable network.

Mapapanood ito sa more than 22 Asian countries including Singapore, Malaysia, and Japan.

May “big announcement” sa 5th season ng reality TV series ng pamilya Gutierrez.

May ikakasal ba sa bagong season ng It Takes Gutz to be a Gutierrez?

Si Ruffa Gutierrez na ba ang magpapakasal sa boyfriend niyang si Jourdan Mouyal kahit kontrang-kontra sa relasyon nila ang Gutierrez matriarch na si Annabelle Rama?

O baka sina Richard Gutierrez at Sarah Lahbati na ang ikakasal?

Pero hindi ba, noon pa pangarap ni Bisaya ang ikasal uli sila ng mister na si Eddie Gutierrez?

Kahit anong tanong namin kay Bisaya, ayaw niyang magsalita kung ano ang “big announcement” nila sa It Takes Gutz to be a Gutierrez.

Sa Lunes, may bonggang viewing party para sa pilot episode nila ang pamilya Gutierrez at ang E! cable channel kung saan napakaraming celebrities ang invited.

Kahapon pagkatapos ng Jackpot En Poy segment niya bilang “Ruffaree” ay dumeretso si Ruffa sa isang furniture store sa bandang Greenhills, San Juan. Doon na sila nagkita ni Bisaya.

Namimili sila ng mga kasangkapan para sa bagong bahay ni Ruffa.

Lilipat na si Ruffa sa bagong bahay kasama ang mga anak na sina Lorin at Venice.

“Sila lang, hindi puwedeng may ibang tumira sa bahay na ‘yon!” sey ni Bisaya, na tumulong kay Ruffa sa pagbili sa bahay na ‘yon.

Si Bisaya rin ang sagot sa karamihan sa mga furniture sa bagong bahay ni Ruffa, kaya kasa-kasama siya sa pagbili.

May pagkakataon din na si Bisaya lang ang namimili kasama sina Lorin at Venice, pero madalas na magkaproblema sila ni Ruffa.

May isang sofa kasi na binili si Bisaya na ayaw ni Ruffa at ipina­balik.

“Ewan ko ba sa babaeng ‘yan, ayaw na ayaw sa binili ko. Ang ganda naman ng taste ko sa furniture.

“Kapag nainis ako, hindi na ako bibili at bahala na siyang gumastos sa bago niyang bahay!” sey ni Bisaya.

Sa mga apo naman niyang sina Lorin at Venice, si Bisaya rin ang namimili ng mga gamit para sa mga kuwarto ng mga ito.

‘Yon lang, sabi ni Venice, obvious daw na mas favorite ng kanilang lola si Lorin dahil lahat ng gusto ng panganay ni Ruffa ay binibili ni Bisaya na walang karekla-reklamo, pero kapag si Venice ang nagpapabili, hindi basta nagye-yes ang lola, huh!

Minsan na nagre­reklamo sa amin si Venice, tinuruan namin siya na mag-complaint sa kanyang lola kapag kinukunan sila ng cameras ng It Takes Gutz to be a Gutierrez para walang magawa si Bisaya at bilhin ang gusto niya.

The next time na nagkita kami, ikinuwento ni Venice na umubra ang itinuro namin sa kanya at binilhan siya ni Bisaya.

Sabi naman ni Bisaya, pantay-pantay siya sa kanyang mga apo at hindi niya ini-spoil si Lorin.

***

Sa bahay pa rin nila sa Laguna madalas umuwi si Alden Richards.

Pero kapag sobrang pagod at late na at next day ay may maaga siyang lakad, nagtse-check-in na lang sa isang hotel sa Quezon City ang binata.

As much as possible, uuwi at uuwi pa rin siya sa Laguna.

***

Sa blessing ng isang salon/barber shop na sponsor niya, na-corner ng showbiz reporter na si MJ Marfori si Paolo Ballesteros.

Inusisa ni MJ si Paolo tungkol sa lovelife at ang ginawa ng TV host/actor ay parang isusubo niya ang kamay niya sa kanyang bibig na ang ibig sabihin ay NGANGA o bokya ang kanyang lovelife.

Kung matatandaan, natsikang naghiwalay si Paolo at ang boyfriend niyang dancer dahil naka­buntis daw ang lalaking minahal ng TV host/actor.