Daang-daang mga taga-suporta at parukya­no ni Caloocan City Bishop­ Pablo ‘Ambo’ David ang nagsagawa ng prayer vigil sa San Roque Cathedral upang ipagdasal ang buhay ng obispo sa patuloy na natatanggap nitong mga death threat.

Marami sa mga du­malo ay taga-Caloocan, Malabon at Navotas City. Umabot sa labas ng simbahan ang matiyagang nagdasal.

Pinamunuan ni Atty. Aurora Santiago, President, Council of the Laity of Caloocan ang pagsasagawa ng vigil, upang ipakita ang kanilang pagsuporta kay David.

“Hindi po kami tutol sa pagsugpo kontra sa iligal na droga, kasi napa­kasamang gawain niyan. Ang punto po namin ay bigyan ng pagkakataon­ na magbagong buhay ang mga nahuhuli at hindi solusyon ang pagpatay,” ani Atty. Santiago.
Nanawagan ang parokya na ipagdasal ang kaligtasan ni David, upang maipagpa­tuloy nito ang programa sa mga mahihirap na kababayan at sa mga drug dependent na naliligaw ng landas.

Kilala si David bilang kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa giyera nito kontra sa iligal na droga.

Ipinagdiwang ng obispo ang kanyang ika-60 kaarawan kahapon, Sabado, subalit kanselado ang iba nitong aktibidad na dati nitong ginagawa dahil sa kanyang seguriad.