Bisita killer

Parang manok na nilaslas ang leeg at saka binukdahan ng katakut-takot na saksak ng hindi pa nakikilalang lalaki na naging bisita nito sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang biktimang si Jan Ervic Gupan, 27, ng Pentuania Street, Area VIII, Brgy. 174, Camarin ng nasabing lungsod.

Ganap na alas-otso ng umaga nang matagpuan na lamang ng kanyang mga kaibigan ang biktima na wala nang buhay sa inuupahang apartment nito,

Sa ulat ng Caloocan City Police, mula alas-12:30 umano ng tanghali nang mag-umpisa ang magdamagang pag-iinuman ng biktima kasama ang mga kaibigang sina Miguel Soriano at Rosito Daniel sa bahay ni Soriano.

Nang magkalasingan na ay inihatid nina Daniel at Soriano si Gupan sa bahay nito, ganap na alas-kwatro ng madaling-araw at doon nila nakita ang hindi pa nakikilalang lalaki na bisita ng biktima. Tila magkaki­lala umano ang dalawa.

Ngunit paalis na sana ang dalawang kaibigan ng biktima nang makarinig sila ng sigaw ng lalaki na nagsasabing: “Halos isang oras na akong naghihintay”. Ganunpaman, hindi umano nila naisipan pang bumalik sa biktima.

Kinaumagahan, magkasama na binalikan nina Daniel at Soriano ang biktima sa apartment nito ngunit laking gulat nila na nakahandusay ito at naliligo na sa dugo at may laslas sa leeg at mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Agad silang humingi ng saklolo sa mga kinauukulan ngunit hindi na nila naisugod sa pagamutan ang biktima dahil matagal na rin umano itong walang buhay.