Bistek dinemanda sa P25M solar project

Sinampahan ng kaso sa Office of the Ombudsman ng pamahalaang lokal ng Quezon City si dating Ma­yor Herbert ‘Bistek’ Bautista dahil sa pinasok nitong mahigit P25 milyong solar power contract sa isang kompanya nang walang pahintulot mula sa konseho ng lungsod.

Batay sa siyam na pahinang complaint-affidavit ni Atty. Carlo Lopez Austria ng Legal Department ng Quezon City, bukod kay Bautista, kasamang kinasuhan ang kanyang dating city administrator Aldrin C. Cuña at city engineer Joselito B. Cabungcal.

Base umano sa kanyang pag-aaral sa Project No. 1905-55463 o Supply and Installation of Solar Power System and Waterproofing Works para sa Civic ­Building F at waterproofing sa roof deck ay hindi inaprubahan ng konseho.

“For causing undue injury to the City in gi­ving unwarranted benefit, advantage and prefe­rence to [Cygnet Energy and Power Asia Incorporated] by unlawfully releasing the amount of [P25,342,359.25] through manifest partiality, evident bad faith, or gross inexcusable negligence, the following persons, in conspiracy with one ano­ther, are guilty of violating the Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act 3019),” nakasaad sa reklamo ni Austria.

Binigyang-diin pa ni Austria na inaprubahan ni Bautista ang pagpapalabas sa nasabing pondo bagama’t nabigo ang contractor na ideliber ang mga kinakaila­ngang materyales, kabilang ang net metering system mula sa Meralco.

Ang purchased request no. 055463 na may petsang Enero 23, 2019 na naka-attach sa bilang Annex A na inilaan sa nasabing proyekto ay nagkakahalaga ng P25 milyon na nilagdaan ni Cuña ay ini-award sa Cygnet Energy and Power Asia na hindi inaprubahan ng city council na paglabag sa aniya sa terms of reference ng kontrata at Government Auditing Code. (Dolly Cab­reza)