Parusang bitay ang nais ipataw ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga nahuhuling big-time drug pusher sa bansa.
Katuwiran ni PDEA Director General Aaron Aquino, kaya malakas ang loob ng mga tulak ng droga lalo na ang mga dayuhang miyembro ng international drug syndicate ay dahil walang death penalty sa Pilipinas.
Sinabi ni Aquino na parusang kamatayan lamang ang susupil sa mga drug trafficking, drug smuggling at drug manufacturing kaya matagal na nilang sinusulong ito sa PDEA.
“Walang takot ang mga drug pusher na iyan, kasi kapag sila ay maaresto ay hindi sila nangangamba na mamamatay dahil walang parusang bitay sa ating bansa. The stand of PDEA is restoration of death penalty for drugs, particularly on drug trafficking, drug smuggling, and drug manufacturing,” pahayag ni Aquino.
Sa kabila ng araw-araw at walang tigil nilang ginagawang drug operation ay hindi natitinag ang mga drug trafficker at sa loob lamang ng isang linggo ay nasa P3 bilyon ang halaga ng droga na nasamsam ng PDEA.
Ang huling malaking drug operation ng PDEA ay ang pagkakakumpiska sa P1.8 bilyong halaga ng shabu sa Manila International Container Port (MICP) at ang nasa P1.3 bilyong halaga sa Ayala Alabang sa Muntinlupa City.
Hinala ng PDEA na pag-aari ng international drug syndicate na ‘Golden Triangle’ ang mga nakumpiska nilang mataas na uri ng droga. (Dolly Cabreza)