IMPRESIBO ang naging panalo ni Bite My Dust sa 2016 JRA Cup noong Linggo sa MetroTurf kahit na medyo atrasado pa ito sa kanyang salida sa simu­la ng karera.

Pero napagtiyagaan ito ng regular rider nitong si Jesse Guce kung kaya’t hindi nito inalintana ang remateng ginawa ng kanyang nakalabang magka-coupled entry na sina Absoluteresistance at Brennero para manalo sa highlight event ng Japan Racing Festival doon sa Malvar, Batangas.

Isang magandang tropeo at first prize na P300,000 ang tinanggap ni Tony Tan para rin sa kanyang co-owner na si Dr. Nick Cruz habang binigyan din ng mga tropeo sina jockey Guce at ang trainer na si Ruben Tupas ni JRA Chief Representative Hiroyuki Koezuka, na siyang special guest ng host Metro Manila Turf Club sa naturang pagtitipon.

Binigyan ng premyong P112,500 at P62,500 para sa segundo at tersero ang coupled entries ni dating Ma­yor Benhur Abalos Jr. habang ang pang-apat na si Guanta Na Mera ni Atty. Narciso Morales ay nakasalba ng P25,000. Ang iba pang nagsidatingan ay sina Fun Fest Day, Kundiman, Aerial, ayon sa pagkakasunod.

Sa apat namang mga trophy races na pinaglaba­nan, nanguna si Ariston ni Eda de la Cruz sa Isuzu Trophy Race ng Isuzu Philippines Corporation habang nanaig naman si I’m Your Lady ni Patrick Uy sa Hotel Sogo Trophy Race, Real Steel ni Bayani Conching sa Tecson Farm Trophy Race ni Bing Tecson, at Cool Toto sa DLTB Bus Company Trophy Race ni Atty. Narciso Morales.

Maganda ang naging sales ng dalawang araw na karera — P22-million noong Sabado habang P30-million naman ang Linggo — kung kaya’t umabot sa P122,000 ang nakuhang gross prize ng mga nanalong horseowners.