Iginiit ng isang mambabatas na magsagawa ng dry run ang tanggapan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade sa ipatutupad na mga guideline sa public transport oras na magsimula ang tinatawag na `new normal’ kapag inalis na ang enhanced community quarantine (ECQ).

Ayon kay Samar Rep. Edgar Sarmiento, chairperson ng House committee on transportation, makatutulong sa DOTr at sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang mga natirira pang araw ng ECQ sa Metro Manila para mapag-aralan ang pagpapatupad ng physical distancing nang sa gayon ay magkaroon ng adjustment kung kinakailangan habang kaunti pa lamang ang bilang ng mga pasahero.

“We should do the dry run when the volume of passengers is still manageable and make all the necessary adjustments before we transition to GCQ (general community quarantine),” ani Sarmiento.

Iminungkahi ng mambabatas na magsagawa ng limang-araw na dry run ang DOTr na mahalaga rin aniya pra masubukan ang kondisyon ng mga sasakyan na papayagang mag-operate sa ilalim ng GCQ.

“Mahirap yung basta na lamang bubulaga sa atin ang mga problema dahil hindi na naman natin napag-aralan ng maayos kung paano natin ayusin ang sistema,” pahayag ni Sarmiento.

“Bago mag-GCQ, mas maigi kung wala na tayong mga lalabas na problema o kung meron man ay hindi na makakapagpalala sa ating problema tungkol sa dumaraming kaso ng COVID-19,” dagdag pa ng mambabatas. (JC Cahinhinan)