Biyaheng holdap

arrested

Inaresto ng mga awtoridad ang dalawang kalala­kihan na sakay ng isang SUV matapos magpanggap na namamasada hanggang sa holdapin ng mga ito ang kanilang dalawang babaeng pasahero gamit ang replica ng kalibre .45 (toy gun) kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.

Nakakulong ngayon sa detention cell ng Parañaque City Police ang mga suspek na sina Jerome Jude, 48 at Reychelle Duante, 34, kapwa nakatira sa No. 12 Galvez St., Philam Life Village, Las Piñas City.

Kinilala naman ang mga biktimang sina Be­vein Kaye Siscar, 20, estudyante, nakatira sa Block 63, Lot 6, Phase 2, CHRV Langkaan 2, Dasmarinas Cavite at Winalyn A. Pacomios, 24 ng 126 Chua Compound, Pulang Lupa 1, Las Piñas City.

Ayon sa imbestigasyon nina SPO2 Christopher Bilangel at SPO2 Christopher Mamigo, naganap ang insidente dakong alas-6:40 ng gabi sa panulukan ng Diokno Boulevard at Bradco Ave­nue, Brgy. Tambo.

Habang naghihintay ang mga biktima ng masasakyan sa kahabaan ng Roxas Boulevard, pauwi nang tumigil sa harapan nila ang kulay asul na Isuzu Crosswind na may plakang ZLG-136 at sakay ang dalawang suspek.

Tinanong ang mga biktima kung patungo sila ng MOA, dahil bibiyahe sila sa naturang lugar. Akala naman ng mga biktima ay namamasada ang mga suspek at kaagad silang sumakay.

Pagsapit sa naturang lugar, dito na nagdeklara ng hold-up ang mga suspek bago sila ibinaba.

Agad na humingi ng tulong ang mga biktima sa mga kagawad ng Parañaque City Police at sa ‘hot pursuit operation’ ay nadakip ang mga suspek, pero ‘di na narekober ang ninakaw sa mga biktima.